.
...........
DAKILANG DANGASAL
.
Maligayang pagbati po, O Dakilang Bathala!
Ipinagpapasalamat ko pong ako’y Inyong nilikha,
Ipinasya pang maging Inyong kawangis, kamukha,
Sa kakayahan, at mapagmahal na Kaloobang Dakila!
Dangal ko po’ng tumulad, bumahagi sa Inyo, O Bathala!
.
At dahil sa ang Inyong Sangnilikha ay kayraming talaga,
At ang aming ikatututo ay sa sama-samang pagkaunawa,
Paggagalangan, pagmamahalan at pagtutulungan lamang
Ang sukat N’yo sanang maasahan sa aming kaasalan!
Asal ko pong isasabuhay ang ganap na pakikipag-Kapwa!
.
Ito ang damá kong Dangal, at ang pinili kong Asal—
Itong“Dangasal,” ang matahimik kong Dasal
Ipapahayag sa lahat ng Kapwa nang buong linaw
Sa bawat taon at saglit ng Kaloob N’yong Buhay!
Dangal ko po’ng tumulad, bumahagi sa Inyo, O Bathala!
Asal ko pong isasabuhay ang ganap na pakikipag-Kapwa!
Magpakatao’t makipagkapwa ang makayanan nawa naming
Maialay sa Inyo, Bathalang Walang Kasing-Dakila!
--Balani Bagumbayan
Makati, Pilipinas
Agosto 27, 2010(Ihinahandog po ito sa Sanib-Dasal Synergetic Inter-Faith Praying Community; at sa lahat ng kapatid nating makagagamit at makapagpapalaganap nito. Iminumungkahi ko rin pong magdaos tayo ng mga talakayan, sa ating mga tahanan at sa iba pang mga angkop na pook, ukol sa nilalaman nito. padalhan n'yo rin sana ako ng mga tanong at komentaryo bilang mensahe sa Facebook account na 'EdAurelio-Ding Reyes.' Salamat po!)