Monday, December 13, 2010

BASTA!














Basta!

[Mula sa munting aklat na Mayaman Ka (Hindi nga Lamang Halata) ni Ed Aurelio C. Reyes]

HINDI makapaniwala si Alvin sa kanyang nakita sa papel na natagpuan niya sa ilalim ng kanyang unan nang umagang iyon. Dalawang katagang nasa sulat-kamay ng kanyang anak. At isang drowing na may dalawang simbulong pinaghalo. Alimpungatan pa siya nang una niyang tingnan.
.
...........Ipapakita sana niya ito sa asawa niyang si Luz na nakahiga sa kanyang tabi, ngunit napansin niyang mahimbing pa ang tulog nito. “Napuyat yata si Luz! Mas napuyat pa kaysa sa akin!” naibulong niya sa sarili..
..
. . “Ahh, mamaya na nga ito. Mabuti pa’y bumangon na ako’t makuha na ang gatas sa labas at masimulan nang…” bumuntonghininga siya… “magpala ng snow sa driveway. Malamang mas makapal ang snow ngayon kaysa kahapon, winter na winter na kasing talaga!”.
..
. . Minsan pa niyang tinitigan ang nakasulat at nakadrowing sa papel na iyon, bago tuluyang bumangon..
..
. . Nakuha na niya ang iniwan ng milkman sa tabi ng pinto nila sa may garahe nang muling umagos sa kanyang alaala ang naging pagtatalo ng panganay niyang anak noong sinundang araw. Katunaya’y nagsimula iyon sa masayang pagbibiro ni John na bininyagan sa Pilipinas bilang Juan at dinala niya bilang Baby Juanito nang magtungo silang mag-asawa sa New Jersey..
..
. . Kahapon, napukpok ni Alvin ang kanyang hinlalaki nang dumaplis sa ulo ng pako ang kanyang martilyo. Binati at pinagtawanan ng trese anyos nang si John ang naibulalas niya at tinanong siya ng “why’re you still shoutin’ that ‘aray’ word, Dad?” Matagal na nga raw kasi sila roon sa States at ang isinisigaw naman doon ay “Ouch!!!”.
..
. . Mabilis na napikon si Alvin noon. Naalala agad niya ang may pitong taong-gulang nang debate tungkol sa tawag sa kanya ng anak. Gusto niya sana — at limang taon naman niyang naipairal ito — ang itawag ni Juanito sa kanilang mag-asawa ay “Tatay” at “Nanay” — pero nag-alboroto ang bata sa paggigiit ng “Mom” at “Dad” at kinampihan naman ng ina, kaya hayun, natalo si Alvin sa “labanang” iyon. Pero matagal na iyon, pitong taon na. Bakit biglang bumalik sa alaala niya nang mapikon siya sa paglait ng anak sa kanyang naibulalas na “Aray!”.
..
. . At naalala niya ngayong umaga, habang nagpapala ng snow, ang naibwelta niya sa anak: “Mula ngayon, ibabalik natin sa bahay na ito ang pag-uusap sa Pilipino, sa Tagalog!”
“Oh, no!!! That’s stupid, Dad! We’re here, we have left the Philippines! And you said we’re no longer comin’ back! What’s the point?”.
..
. . Nag-inggles din siya sa pagsagot, “We will always be Filipinos! We should be proud of that!”.
..
. . Naupo sa tabi niya ang binatilyo niyang anak at natatawang nagharap sa kanya ng isang matalim na katanungang yumanig sa kanyang pagkatao, sa kanyang pagka-Pilipino:.
..
. . “Why, Daddy? What’s the’r t’be proud of n’ bein’ Fil’pinow???”.
..
. . Matagal siyang di nakasagot. Nagbalikan sa kanyang alaala ang mga natutunan niya sa eskwela – elementary, high school, college – Philippine history, matapang ang mga Pilipino, si Lapu-Lapu, sina Rizal at Bonifacio, ang mga gerilya, mabilis na naghalu-halo sa isip niya ang barong tagalog, ang pambansang ibon, ang pambansang prutas, ang tinikling at pandanggo sa ilaw, ang pakikisama, utang na loob, bahala na… ipinamemorya sa kanya noong istudyante pa siya ang lahat ng iyon, at namemorya naman niya, pero bakit….
..
. . Nawala sa paningin niya ang ngiti ng anak, o baka nawala nga mismo ang ngiti. Ang natatandaan niya’y mga matang nakamulagat sa kanya, nagtatanong kung ano nga ba ang maikakarangal sa pagiging mga Pilipino nila. Patuloy na sumisigaw ang mga katanungan sa isip niya habang hindi maigalaw ang mga labi ng kanyang nanunuyo nang bibig…
. . “Paano ko nga bang sasagutin ito? Puro kahinaan, puro pagkatalo, puro depekto na lang ang pumapasok sa isip ni Alvin sa ilang tahimik na sandaling iyon. Matatapang na talunĂ¡n?
. . Mahusay makisama kaya madaling masamantala? Kundi pa dumating ang mga Kastila eh sa mga puno pa naglalambitin at nakatira? Ganoon nga ba? Ano’ng isasagot ko? Ano’ng isasagot ko sa anak ko???”.
..
. . Nang maibukas niya ang kanyang bibig, lumabas ang isang mabalasik na tinig—”Basta!”
Sabay talikod siya at pumasok sa masters’ bedroom. Di na niya napansin na kaagad lumapit ang asawa niyang si Luz sa anak nila. Nakapasok na siya sa silid nila nang sabihin nito sa anak na “Son, we have to talk!”.
..
. . Sa kanya ang naging huling salita. Naipanalo niya ang pagtatalo dahil may awtoridad siya bilang magulang. O naipanalo nga ba niya? At may silbi ba ang awtoridad niya bilang magulang kung di naman niya nakumbinse ang anak? At papaano naman niyang makukumbinse si Baby Juanito, si John, kung siya nga mismo’y….
..
. . Bumuntong hininga siya at nahiga, kinuha ang bagong labas na isyu ng Newsweek sa ibabaw ng tokador at nagsikap magbasa..
..
. . Hindi na niya namalayang pinagharian na siya ng antok at kahit paano’y nakatulog nang basa ang mga mata. Pati nga unan niya’y pinalamig ng daloy ng luha..
..
. . At nito ngang umagang magising siya’y mahimbing pa ang tulog ng asawa. At may nasalat siyang nakatiklop na papel sa unan niyang natuyo na. Binuklat niya ang papel..
..
. . Dalawang katagang nakasulat-kamay ni John ang tumambad sa kanyang mga mata—
“Patawad, Dad!” At sa ilalim n’yon ay may nakadrowing -- magkasamang hugis ng puso at ang bandila ng Pilipinas.
. . [Bagamat binago namin ang mga pangalan, ang kwentong ito’y batay sa isang tunay na pangyayari. Naisalaysay ito, nang may mga paghikbi, sa isang kasapi ng Kamalaysayan matapos na maglektura siya ukol sa kadakilaan ng ating lahi. Ilan sa mga kayamanang tinutukoy sa aklat na ito ay ibinahagi sa lekturang nadaluhan ni “Alvin” minsang dumalaw siya sa Maynila.
. . [Si “John” ay isa na ngayong abugado sa New York, at ikinararangal na niya ang pagka-Pilipino. May sarili na siyang pamilya, at Pilipino/Taglish ang usapan sa bahay nila ng napangasawa niyang Amerikana na naturuan niya ng ating wika. At sa salas ng kanilang bahay ay may isang painting na nagtatampok ng magkahalong simbulo ng isang malaking puso at watawat ng ating dakilang lahi.]