Monday, December 13, 2010

BASTA!














Basta!

[Mula sa munting aklat na Mayaman Ka (Hindi nga Lamang Halata) ni Ed Aurelio C. Reyes]

HINDI makapaniwala si Alvin sa kanyang nakita sa papel na natagpuan niya sa ilalim ng kanyang unan nang umagang iyon. Dalawang katagang nasa sulat-kamay ng kanyang anak. At isang drowing na may dalawang simbulong pinaghalo. Alimpungatan pa siya nang una niyang tingnan.
.
...........Ipapakita sana niya ito sa asawa niyang si Luz na nakahiga sa kanyang tabi, ngunit napansin niyang mahimbing pa ang tulog nito. “Napuyat yata si Luz! Mas napuyat pa kaysa sa akin!” naibulong niya sa sarili..
..
. . “Ahh, mamaya na nga ito. Mabuti pa’y bumangon na ako’t makuha na ang gatas sa labas at masimulan nang…” bumuntonghininga siya… “magpala ng snow sa driveway. Malamang mas makapal ang snow ngayon kaysa kahapon, winter na winter na kasing talaga!”.
..
. . Minsan pa niyang tinitigan ang nakasulat at nakadrowing sa papel na iyon, bago tuluyang bumangon..
..
. . Nakuha na niya ang iniwan ng milkman sa tabi ng pinto nila sa may garahe nang muling umagos sa kanyang alaala ang naging pagtatalo ng panganay niyang anak noong sinundang araw. Katunaya’y nagsimula iyon sa masayang pagbibiro ni John na bininyagan sa Pilipinas bilang Juan at dinala niya bilang Baby Juanito nang magtungo silang mag-asawa sa New Jersey..
..
. . Kahapon, napukpok ni Alvin ang kanyang hinlalaki nang dumaplis sa ulo ng pako ang kanyang martilyo. Binati at pinagtawanan ng trese anyos nang si John ang naibulalas niya at tinanong siya ng “why’re you still shoutin’ that ‘aray’ word, Dad?” Matagal na nga raw kasi sila roon sa States at ang isinisigaw naman doon ay “Ouch!!!”.
..
. . Mabilis na napikon si Alvin noon. Naalala agad niya ang may pitong taong-gulang nang debate tungkol sa tawag sa kanya ng anak. Gusto niya sana — at limang taon naman niyang naipairal ito — ang itawag ni Juanito sa kanilang mag-asawa ay “Tatay” at “Nanay” — pero nag-alboroto ang bata sa paggigiit ng “Mom” at “Dad” at kinampihan naman ng ina, kaya hayun, natalo si Alvin sa “labanang” iyon. Pero matagal na iyon, pitong taon na. Bakit biglang bumalik sa alaala niya nang mapikon siya sa paglait ng anak sa kanyang naibulalas na “Aray!”.
..
. . At naalala niya ngayong umaga, habang nagpapala ng snow, ang naibwelta niya sa anak: “Mula ngayon, ibabalik natin sa bahay na ito ang pag-uusap sa Pilipino, sa Tagalog!”
“Oh, no!!! That’s stupid, Dad! We’re here, we have left the Philippines! And you said we’re no longer comin’ back! What’s the point?”.
..
. . Nag-inggles din siya sa pagsagot, “We will always be Filipinos! We should be proud of that!”.
..
. . Naupo sa tabi niya ang binatilyo niyang anak at natatawang nagharap sa kanya ng isang matalim na katanungang yumanig sa kanyang pagkatao, sa kanyang pagka-Pilipino:.
..
. . “Why, Daddy? What’s the’r t’be proud of n’ bein’ Fil’pinow???”.
..
. . Matagal siyang di nakasagot. Nagbalikan sa kanyang alaala ang mga natutunan niya sa eskwela – elementary, high school, college – Philippine history, matapang ang mga Pilipino, si Lapu-Lapu, sina Rizal at Bonifacio, ang mga gerilya, mabilis na naghalu-halo sa isip niya ang barong tagalog, ang pambansang ibon, ang pambansang prutas, ang tinikling at pandanggo sa ilaw, ang pakikisama, utang na loob, bahala na… ipinamemorya sa kanya noong istudyante pa siya ang lahat ng iyon, at namemorya naman niya, pero bakit….
..
. . Nawala sa paningin niya ang ngiti ng anak, o baka nawala nga mismo ang ngiti. Ang natatandaan niya’y mga matang nakamulagat sa kanya, nagtatanong kung ano nga ba ang maikakarangal sa pagiging mga Pilipino nila. Patuloy na sumisigaw ang mga katanungan sa isip niya habang hindi maigalaw ang mga labi ng kanyang nanunuyo nang bibig…
. . “Paano ko nga bang sasagutin ito? Puro kahinaan, puro pagkatalo, puro depekto na lang ang pumapasok sa isip ni Alvin sa ilang tahimik na sandaling iyon. Matatapang na talunán?
. . Mahusay makisama kaya madaling masamantala? Kundi pa dumating ang mga Kastila eh sa mga puno pa naglalambitin at nakatira? Ganoon nga ba? Ano’ng isasagot ko? Ano’ng isasagot ko sa anak ko???”.
..
. . Nang maibukas niya ang kanyang bibig, lumabas ang isang mabalasik na tinig—”Basta!”
Sabay talikod siya at pumasok sa masters’ bedroom. Di na niya napansin na kaagad lumapit ang asawa niyang si Luz sa anak nila. Nakapasok na siya sa silid nila nang sabihin nito sa anak na “Son, we have to talk!”.
..
. . Sa kanya ang naging huling salita. Naipanalo niya ang pagtatalo dahil may awtoridad siya bilang magulang. O naipanalo nga ba niya? At may silbi ba ang awtoridad niya bilang magulang kung di naman niya nakumbinse ang anak? At papaano naman niyang makukumbinse si Baby Juanito, si John, kung siya nga mismo’y….
..
. . Bumuntong hininga siya at nahiga, kinuha ang bagong labas na isyu ng Newsweek sa ibabaw ng tokador at nagsikap magbasa..
..
. . Hindi na niya namalayang pinagharian na siya ng antok at kahit paano’y nakatulog nang basa ang mga mata. Pati nga unan niya’y pinalamig ng daloy ng luha..
..
. . At nito ngang umagang magising siya’y mahimbing pa ang tulog ng asawa. At may nasalat siyang nakatiklop na papel sa unan niyang natuyo na. Binuklat niya ang papel..
..
. . Dalawang katagang nakasulat-kamay ni John ang tumambad sa kanyang mga mata—
“Patawad, Dad!” At sa ilalim n’yon ay may nakadrowing -- magkasamang hugis ng puso at ang bandila ng Pilipinas.
. . [Bagamat binago namin ang mga pangalan, ang kwentong ito’y batay sa isang tunay na pangyayari. Naisalaysay ito, nang may mga paghikbi, sa isang kasapi ng Kamalaysayan matapos na maglektura siya ukol sa kadakilaan ng ating lahi. Ilan sa mga kayamanang tinutukoy sa aklat na ito ay ibinahagi sa lekturang nadaluhan ni “Alvin” minsang dumalaw siya sa Maynila.
. . [Si “John” ay isa na ngayong abugado sa New York, at ikinararangal na niya ang pagka-Pilipino. May sarili na siyang pamilya, at Pilipino/Taglish ang usapan sa bahay nila ng napangasawa niyang Amerikana na naturuan niya ng ating wika. At sa salas ng kanilang bahay ay may isang painting na nagtatampok ng magkahalong simbulo ng isang malaking puso at watawat ng ating dakilang lahi.]

Friday, November 26, 2010

May darating pa kayang...Bagong Umaga?






.
may pagkakataon pa kaya

na sa malaong dapit-hapon
ay sisibol muli

ang bukang-liwayway

ng buhay?

.
lamang, kung itutulot

ng Bathalang Maykapal
kung sadyang naaayon

sa balak Niya't nilalayon
.
.
--balani bagumbayan

nobyembre 27, 2010

[ ito'y munting tula na nakabatay sa aking dangal at piniling asal, at taimtim na dasal, batay sa aking 'dangasal.' tingnan ang 'dangasal' sa http://balik-bayanihan.blogspot.com/2010_08_01_archive.html ]

Saturday, October 9, 2010

‘Kamalayang BUOHAGI’







Oo, BUO ako.

Nagkakaisa, nagtutulungan,

Mga bahagi ng aking pagkatao –-

Isip, salita, gawa, at katawan

-- magkakaayong totoo!

Habang MULAT NA BAHAGI ako

Ng higit pang malalawak na KABUUAN,

Gaya ng…

TAYO!

--'Balani Bagumbayan'

makati, pilipinas
10-10-10

Tuesday, September 7, 2010












Kapag tayo'y nagdarasal, hinihiling ba nating baguhin naman sana ng Bathala ang naipasya na Niyang gawin sa atin at/o sa ating mga mahal sa buhay? O nakakaya na ba nating ipagdasal na TAYO ang Kanyang baguhin para makaya na nating tanggapin ang loloobin Niya para sa ating kalagayan at mga ipapagawa Niya sa atin ayon sa Kanyang kalooban? Pakaisipin sana natin nang masinsinan ito; ibahagi pa sa ating Kapwa...
---"dangasal"
ding reyes ng zambales
Setyembre 7, 2010

Thursday, August 26, 2010

Panata sa Lumikha


.

...........





DAKILANG DANGASAL

.

Maligayang pagbati po, O Dakilang Bathala!

Ipinagpapasalamat ko pong ako’y Inyong nilikha,

Ipinasya pang maging Inyong kawangis, kamukha,

Sa kakayahan, at mapagmahal na Kaloobang Dakila!

Dangal ko po’ng tumulad, bumahagi sa Inyo, O Bathala!

.

At dahil sa ang Inyong Sangnilikha ay kayraming talaga,

At ang aming ikatututo ay sa sama-samang pagkaunawa,

Paggagalangan, pagmamahalan at pagtutulungan lamang

Ang sukat N’yo sanang maasahan sa aming kaasalan!

Asal ko pong isasabuhay ang ganap na pakikipag-Kapwa!

.

Ito ang damá kong Dangal, at ang pinili kong Asal—

Itong“Dangasal,” ang matahimik kong Dasal

Ipapahayag sa lahat ng Kapwa nang buong linaw

Sa bawat taon at saglit ng Kaloob N’yong Buhay!

Dangal ko po’ng tumulad, bumahagi sa Inyo, O Bathala!

Asal ko pong isasabuhay ang ganap na pakikipag-Kapwa!

Magpakatao’t makipagkapwa ang makayanan nawa naming

Maialay sa Inyo, Bathalang Walang Kasing-Dakila!

--Balani Bagumbayan

Makati, Pilipinas

Agosto 27, 2010

(Ihinahandog po ito sa Sanib-Dasal Synergetic Inter-Faith Praying Community; at sa lahat ng kapatid nating makagagamit at makapagpapalaganap nito. Iminumungkahi ko rin pong magdaos tayo ng mga talakayan, sa ating mga tahanan at sa iba pang mga angkop na pook, ukol sa nilalaman nito. padalhan n'yo rin sana ako ng mga tanong at komentaryo bilang mensahe sa Facebook account na 'EdAurelio-Ding Reyes.' Salamat po!)

Tuesday, August 17, 2010

Tayo, Sama-sama, sa Pagbabago

.

Are we Filipinos really in a historical moment that, finally, we can now collectively uplift ourselves as a nation? If we boast of being "streetwise" and therefore cynical, we won't believe the opportunies to be real, we'll refuse to do anything, remain passive, and prepare to choose who to blame for opportunities wasted. Let's ponder the little 'poem' below, and remember the nation of heroism that we once were, before we learned to be so "wa-es."


Malaking pagbabago,
Ang lilikha'y tayo!
Sa direksyon at halimbawa

Ng mga mamumuno,
Magbalik-bayanihan na sana,
Daang milyong Pilipino!
Sa pagkakataong makabangon
Na ngayon sa pagbabago,
Huwag tayong kaagad na sumuko,
Sa takot na baka muling mabigo...
Sa lahat ng mabuting magagawa mo,
Halina, sumulong na tayo, Pilipino!!!


--- Balani Bagumbayan
.
Agosto 17, 2010
Subic, Zambales


if you liked this, please pass on this link to your friends:

http://balik-bayanihan.blogspot.com/2010/08/tayo-sama-sama-sa-pagbabago.html

Let this not end with you... Salamat po!

Wednesday, June 23, 2010

Sa Balik-Bayanihan, Bumabangon ang Botolan

Salamat sa pagsaklolo, salamat sa pag-aabuloy,
Buhay nami’y nasagip, mabagsik man ang Ondoy!
Sikap nami’y mabawi agad ang lakas na bumangon
Pagkat ganito’y di habambuhay na maipagpapatuloy.
Kahit matinding napinsalaan pamilya nami’t baranggay
May mga pinalad naman na bahagya lamang nasalanta,
Kapatid nami’t kapitbahay handa nang dumamay,
At di na kakailanganing ang maitutulong na alay
Ay ipagsumamo pa namin sa malayong mga bahay
Sa Balik-Bayanihan, bumabangon ang Botolan,
At kami’y nagsisikap na paglao’y maging handa nang
Aming mga kalapit-bayan ay makayang matulungan!
Nasa Balik-Bayanihan, ginhawa nami’t kaligtasan!

-- June 22, 2010
ding reyes, Subic, Zambales,
Initiator, Brothers’ Keepers Movement – Zambales
Initiator, Balik-Bayanihan Campaign Network
Co-Founder, Center for Grassroots-Based Sustanable Productivity (CGBSP)

please send comments/suggestions/comments to: dingreyes@yahoo.com

Monday, June 14, 2010

"Kapatiran Ba Naman 'Yan???"

(Narito na ang naantalang paglabas ng ikalawang artikulo sa seryeng "Kapatid... KAPATID!!!" na ang unang artikulo ay inilabas sa blogspot na ito noon pang nagdaang Abril.)

IPAGPAUMANHIN PO SANA ang mataray na tono ng pamagat nito. Hindi ko lamang talaga masang-ayunan na tawaging "kapatiran" ang mga grupong itinatayo para maghanda sa pakikipag-away. Hindi ko naman nilalahat, pero ang madalas na kinakahinatnan ng mga ito ay pambubugbog o pagpapahirap sa mga bagong tatanggaping kaanib, at pagbubugbugan, o pagpapatayan pa nga, ng magkakaribal na "kapatiran."
.
. Makailang-ulit nang dumanak ang dugo sa ganitong mga pagrarambuhan ng mga fraternity sa loob man o sa labas ng mga kampus.
.
. Nagrarambulan pa nga pati ang mga mag-aaral ng abugasya, o law students, na dapat sana'y nagtataguyod sa mga saimulain ng sibilisasdong pag-uugnayan, kabilang na ang sibilisadong pagtutunggalian, at dapat snang naghahandang magbandila ng pwersa ng lohika sa halip na lohika ng pwersa.
.
. Ilang taon pa lamang nakakaraan, sumambulat sa baldosa ang isang kasapi ng isang frat na bago salakayin ng nakamaskarang mga salarin ay masaya lamang na kumakain sa piling ng kanyang mga kaibigan sa Pamantasan ng Pilipinas.
.
. Nagtataka tuloy ako kung bakit tinatatakan pa ng mga titik na Griyego o mga katagang Romano ang mga grupong ito, samantalang hindi naman sila makawala sa kanilang pag-uugaling barbaro, na patuloy namang kinukunsinti ng matatanda na nilang myembro na nagkamit na ng kagalang-galang na katayuab sa lipunan, Mbuti pa nga, sa isang banda, ang mga grupong "Oxo," "Sigue-Sigue," "Bahala na" at "Sputnik" na walang pagpapanggap na sila'y mga disenteng grupo.
.
. Nilalapastangan ng mararahas na fraternity ang tunay na kahulugan ng salitang "kapatiran!," at ang pagtatayo at pagpapanatili ng mga ito, kasama na ang tradisyon ng kusang-loob na pagpapabugbog ng mga umaanib upang gumanti ng pambubugbog sa susunod namang aanib, isang kaugaliang kahiya-hiya at kalait-lait.
.
. Isang matalik na kaibigan naman ang nakapagsabi sa akin na siya at iba pang mga pinuno ng ganitong mga "kapatiran" ay nagsisikap daw ngayong alisin na talaga ang kultura ng karahasan sa mga frat at sorority at ihalili nang lubusan ang kultura ng pagsasama-sama sa paglilingkod.

.
. Sa katunayan, may ginawa siyang isang tula na naglalarawan sa makapigil-hiningang pakikipagrambulan ng mga "fratmen" sa mga miyembro ng karibal na frat, at ipinag-iiba niya ito sa pakikipaglabang kailgnang gawin nila ngayon -- sa loob ng kanilang sari-sarili..
.
(Sa aking palagay, ang tinutukoy na panloob na pakikipaglaban ay sa mga tendensyang mag-isip-bata at mag-asal-hayop (ipagpaumaumanhin po ng mga bata at mga hayop) -- ay pakikipaglabang lalong humahamon sa ilalarga ng tapang ng tapang at tatag ng loob ng bawat "fratmen." Maaaring kayang-kaya nilang batuhin o bugbugin ang iba, o kaya'y patraydor pa ngang patayin, pero kung iniisip nilang iyon na ang kahulugan ng katapangan, sila'y katawa-tawa at daid pa nga ng mga batang matalino!)
.
. Hindi pa lamang masabi nang tiyakan ngayon ng kaibigan ko kung talaga kayang may pag-asang maipagtagumpay ang pagsisikap na ito.
.
. Napakahirap gawin ito, dahil nakadikit na nang husto sa mahabang kasaysayan at tradisyon ng mga grupong ito ang kultura ng karahasan. Pero huwag sanang bitiwan ang pagsisikap, kahit maging napakahirap.
.
. Kaya pa ba, mga brod at mga sis?

-oOo-

Sunday, April 11, 2010

Nailipat na rito ang blog postings noong Disyembre

Orihinal na posting: Enero 23, 2010
Kalaban nating mga ugali: pagkikimi; pagniningas-kugon
.
May "tula" akong nabuo para sa ating mga kaanib na ng Cause group na "Rep.Risa Hontiveros, ang type kong pulitiko"at sa mga di pa sumasali: pag-isipan po sana natin at kagyat na aksyunan ito:
"Wag tayong maging kimi! /
Tahasang ikarangal ang kandidatang bayani! /
Huwag magpakakimi /
Huwag magningas-kugon /
Upang adhikain nati’y /
Ganap ngang maisulong! /
Ipakilala sa malakas na tinig /
Nang may buong pagmamalaki— /
Karapat-dapat nga sa Senadong /
Pusisyon itong babaing kampeon! /
Bawa’t araw at linggo ay magparami tayo /
Ng Mangangampanya, di lang ng boboto! /
Wag na wag tayong titigil /
Papainit pa lang ng laban /
Si Risa mismo ang ating tularan, /
Tagumpay niya kung tayo ri’y mga bayani! /
Hindi magniningas-kogon, at hindi mga kimi! /
Kapag si Risa at Akbayan ang lumaban, /
Ang magwawagi ay ang Sambayanan!" //
.
(Sana ay kayanin ng karamihan sa ating mga nasa facebook Cause group na ito na sa bawat linggo ay makapag-recruit ng kahit tigatlo man lamang na bagong mga mangangampanya para sa kanya, at ang bawat isa ay makapagsimula agad na mag-recruit ng tigatlo ring mga bagong risa hontiveros for senator campaigners kada linggo, na ang bawat isa ay makapagsimula agad na mag-recruit ng tigatlo ring mga bagong risa hontiveros for senator campaigners kada linggo.
.
(Ilang linggo pa ba ang natitira bago mag Mayo-Diyes? Halos dalawang libo na tayo ngayon sa Cause group na ito. Kahit kalahati man lamang ang mag-aaktibo sa iminumungkahi ko, makalipas ang isang linggo ay apat na libo na, makalipas ng isa pang linggo ay 16 na libo, at paglipas ng isa pang linggo ay 64 na libo na. Kung ang bawat marerecruit na bagong campaigner ay sasali rin sa Cause group natin, mabibigyan natin sila ng mga magagamit na info at materyales na magagamit para sa aktibo at mabisang pangangampanya. Sikapin nating makayanan ito. Para dayain man ay tiyak na mananalo pa rin ang ating ikinakandidatong bayani para sa Senado. Di tayo mag-aala-tsamba sa pagsisikap na ito. Sambayanang Pilipino mismo ang pinag-aalayan natin ng makasaysayang pagsisikap na ito.)
.
=====

Orihinal na Posting: Tuesday, January 5, 2010
Pangungusap ng Aking Buhay

. "Ganap kong kakatawanin, sa buhay kong ito, ang panawagang 'MagpakaTAO at Makipagkapwa-TAO TAYO '." -- Ito ang kabubuo ko pa lamang (ngayong araw na ito, Disyembre 30, 2009) na pangungusap ng aking buhay.
.
. Kaya...
.
. "Magawa ko sanang ngumiti /Sa aking paghimlay, /Tuldok sa pangungusap /Ng aking buhay." // (ito'y tulang isinulat ko mahigit 15 taon na ngayon ang nakararan.)

. (Ang konsepto ng "Pangungusap ng Buhay"ay maihahalintulad sa isang may-kahabaang pamagat ng sisikapin mong maging saysay ng buong idadaloy ng iyong salaysay bilang dahilan at layunin kaya ka isinilang at kaya mo pinatatagal ang iyong paghinga.
.
. Maaaring marami ang maibunga, gaya ng nakamit mo ang yaman at bantog na pangalan. Ngunit ang pangungusap ng iyong buhay ay pinili mong pagtuunan ng sa iyo'y pinakamahalaga mong mga pagsisikap, at pag-aanihan ng pinakamalaki mong tagumpay. Saysay ito na ikaw mismo ang pumili para isabuhay. Hindi tayo nabubuhay para lamang mabuhay. Nasa konsepto ring ito ang una sa 14 na mga aral ng Kartilya ng Katipunan ni Emilio Jacinto, na nagsasabing: "Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilaman ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag.")
.
. Pag-isipan po natin ang bagay na ito.
.
-- Ed Aurelio (Ding) Reyes,"
Balani Bagumbayan"
Disyembre 30, 2009
.
=====

Orihinal na posting: Disyembre 28, 2009

TASYO: Kaya Ba Nating Harapin Ang Hamon?
.
. May magandang balita po tayo sa mga kasapi ng Kamalaysayan Solidarity on Sense of History at ng Balik-Bayanihan Campaign Network at ng mga Cause group sa Facebook ng dalawang samahang ito. Ang ikalawang novelette ni Ed Aurelio C. Reyes, na pinamagatang TASYO: Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas? Ay halos tapos nang maimprenta at handa nang maipamahagi sa ilang book outlets sa loob ng ilang araw mula ngayon. Nasimulan na ang pag-iimprenta ay pinilit pa rin ng sumulat nito na maghabol sa likurang pabalat ng isang mabigat na hamon sa lahat ng mga babasa:
.
. “Mulat sa katotohanan at kahalagahan ng kaisahan ng lahat, sa isip at diwa, sa salita at gawa, magpakatao at makipagkapwa-tao Tayo.. “Sa dinami-dami ng aking mga nabasa, isang katotohanan ang halos mawaglit na sa aking kama­layan. Ito pala ang pinaka­mahalaga. Na tayo ay nilikha na kawangis ng Lu­mik­­ha. Na ang gayon ay kaloob sa atin ng Lumik­ha, at ang ganap na pagka­kamit ng katangiang ito ay dapat namang ikaloob natin sa Kaniya. Ang gantim­pala ay kaligayahan at kapanatagan sa sari-sarili at sama-sama nating buhay. Madalas nga la­mang mangyari na sa sa­limuot ng araw-araw na mga gawain upang lu­mawig at gumaan ang buhay ay na­wa­waglit sa ating muni ang pinakamaha­lagang ka­totohanan kung bakit nga tayo isinilang at nabu­buhay.”
..
. NAPAKASIMPLE nga raw ng habilin ng napakatagal nang sumulat nito, na tila raw si “Tasyong Pantas.” Kung gayon, bakit naman ipinagpalagay na di ito mauunawaan ng kanyang mga kapanahon? At bakit kaya pinagdududahan pa ng pamagat nitong aklat na tayo na ngayon ang makakaunawa? Ang tanging sukatan ng sapat na pagkakaunawa ay angkop na pagsasabuhay, di lang sa isip o sa salita kundi sa gawa. Sa mga ugali’t asal ng mga tao ngayon, napakadaling patunayan na hindi pa talaga natin nauunawaan ang “Habilin ng Pantas.” Mayroon kayang sapat na makakikilala sa halaga nito sa kamalayan ng Sangkatauhan sa buong daigdig, at gugugugol tuloy ng tiyaga upang ito’s pag-aralan, isabuhay at ipalaganap?
.
--Ed Aurelio (Ding) Corpus Reyes,
may-akda,
TASYO: Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas?
MANILA: SanibLakas, 2010
.
=====

Orihinal na posting: Disyembre 23, 2009
.
Lalabas nang Libro: TASYO: Ngayon na ba... ?
.
Mga kapatid,
. Masaya akong ibalita sa inyo na sa maagang bahagi ng Enero 2010 ay lalabas na ang pinakabagong libro ni Ed Aurelio C. Reyes, na pinamagatang 'TASYO: Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas?' isang maikling nobela ('novelette, ' tulad ng 'Ka Andres! Ang Tindi N'yo! ng iyon ding may-akda noong 1994. Maliban sa pagiging interesante gaya ng iba pang salaysay na pampanitikan, dito sa TASYO ay may maraming matututunan ang mga makakabasa. Ngunit mas marami pa kaysa sa impormasyon, santambak na tanong ang iiwan nito sa utak.
.
. At hahamunin nito ang lalim sa pag-iisip ng mga babasa na sana'y makakaunawa sa isinusulat ni Tasyo na di raw para sa kanyang mga kapanahon. Tayo na nga kaya ang makakaunawa? O iyon pang mga sanggol pa lamang sa ngayon... paglaki pa nila? Abangan! Nasa imprenta na po ito. Natapos na ngang maimprenta ang maraming pahina. Tinatapos ko pa ang cover. Iseserye rin ito sa "discussion board" ng Cause group na "Balik-Bayanihan"
(http://apps.facebook.com/causes/345195?m=1a70f60b).
.
. Malalimang kaligayahan ang sumaating lahat ngayong Kapaskuhan!
--"balani-bagumbayan"
.
=====
.
Sama-samang Kalooban, Sanib-sanib na kilos!
.
.Sama-samang kalooban, Sanib-sanib na Kilos!” Sa patnubay nitong liwanag ng nakamit nang katotohanan, ako, ngayon, ay buong-laya at paulit-ulit pang magpapasya na magpunyaging mag-ambag sa nabubuong loob ng lahat. Sama-samang kalooban – ito’y bukluran ng kapakanan, pagsasanib ng malasakit, pagmamahalang tunay, pagkakaisang-buhay, sanib-lakas sa sanggunian, pasya at pagpapatupad na mabisa at ganap, pasasalamat at pag-unlad sa kaisahan ng lahat.'
.
. Tatag ng aking katauhan, at tindi at bigat nitong pasya, ay makikita nang palagian sa kaisahan ng aking isip, salita at gawa bilang Pilipino at bilang taong buo, banal at marangal! Sisikapin ko pang maparami, mapagbuklod nang mahigpit, ang mga kapwa kong ganito sa hanay nating magkakapatid!
.
. --balani bagumbayan, isinulat noong Hunyo 25, 2008 sa kaparaanang "Pantigan" ng sinaunang panulat natin ("Panulatin," na tinatawag ring "alibata.")
.
orihinal na posting sa Balani Bagumbayan blogsite: Disyembre 9, 2009
..
=====
Orihinal na Posting: Disyembre 6, 2009

Bandilang Panawagan
.
Narito ang isang panawagang nauukol sa lahat ng mamamayan ng Pilipinas, saanman ang kanilang kinaroroonan, sa loob o sa labas ng Pilipinas:
.
"MAGSANIB-LAKAS, PILIPINAS!
IHANDOG SA MUNDO ANG KAISAHANG TOTOO!"
.
--pahayag ng Ikalawang Pangkalahatang Kapulungan ng Pamayanang SanibLakas ng Pilipinas, na ginanap sa Quezon City, noong Nobyembre 21, 2009)
=====
.
(Susunod na, samakalawa, ang artikulong "Hating-Kapatid," ikalawa sa serye nating "Kapatid, KAPATID!!! )

Friday, April 9, 2010

"Mabuhay Ka, 'Tol!"

.
(Ito ay mula sa koleksiyong Kapatid... KAPATID!!! ni Ed Aurelio C. Reyes na inilathala noong 1999. Sinisimulan ngayon ang lingguhang pagseserye nito dito sa balik-bayanihan blogsite para sa inyong lahat. Pag-isipan at pag-usapan sana ninyo, kasama ng iba pang mapagpapasahan ninyo nito. Mag-ugnayan tayo sa lahat ng paraan upang ipalaganap, palakasin pa at gamitin nang ganap ang liwanag ng katotohanan at kaisahan.)
.
MATAGAL KO NANG NARIRINIG ang salitang “kapatid.” Kaya’t nakasanayan ko na rin pati ang paggamit sa salitang ito kapag pinatutungkulan ang alinman sa aking siyam na kapatid. O kahit sa napakalapit na mga kaibigan... Ngunit nakilala ko naman ang “utol” bilang katagang ginagamit ng kabataan ayon sa kategorya din ng paggamit sa katagang “ermats” at “erpats” bilang pagtukoy sa magulang at “haybols” naman para sa bahay
.
. Kaya’t anong gulat ko nang ang matanda nang lolo (“erpats” ng “erpats”) ng isa kong kabarkada ay marinig kong gumamit ng salitang iyon mismo bilang pagtukoy sa kanya namang kuya. “Utol ko ‘yon, banggit niya sa isang kausap... Matindi ang epekto n’yon dahil hindi ko naman siya nariringgan ng anumang salitang “bagéts” at may pagkaluma pa nga para sa akin ang kanyang bokabularyo. Nang mabanggit ko ito sa kanyang matapos ang pagbisita kong iyon sa kanila, nagtaka naman sa akin ang kaibigan ko. “Bakit, di mo ba alam kung s’an nanggaling ang (salitang) “utol”?
.
. Bunga ng sumunod na pag-uusap, naintindihan kong hindi nga ako dapat nagulat at nagtaka sa narinig kong binigkas ng lolo niya. Hindi ko naman pinagtakhan ang “atíd” na ginagamit imbes na “kapatid” o “kinakapatid” (ang huli’y tumutukoy sa anak ng ninong o ninang mo o sa inaanak ng magulang mo). Ang “utol” ay tulad din ng “atíd” at ang “kaputol” ay tulad din ng “kapatid,” sapagkat ang magkasingkahulugan ang mga katagang “putol” at “patíd” (para sa pisi, lubid, at mga kahawig).
.
. Sa tagal na nga ng pagkakaalam ko sa katagang “kapatid,” dahil nang magkamalay ako’y mayroon na agad akong tatlong kuya at dalawang ate, hindi ko naiugnay ang salitang ito sa kataga namang “patíd” na ginagamit natin kapag tinutukoy ang pagkakaputol o pagkakapigtas ng isang sinulid, pisi o lubid.
.
. Sa paliwanag ng kabarkada ko sa paggamit ng lolo niya sa salitang “utol,” noon ko na lamang napag-isipan na ang katagang “kapatid” pala ay may taglay na metapora o talinghaga: ang isang ka-patid ay kapwa-pinatid sa iisang dugtungan, dugtungan ng ina at lahat ng nabuo at dumugtong sa kanyang sinapupunan sa pamamagitan ng mga pusod na siyang naging dugtungan ng buhay.
.
. Ang bawat isa sa magkakapatid, samakatuwid, ay isang bahaging pinatíd at ihiniwalay sa kabuuang iyon (hindi nanatiling nakadugtong sa ina sa pamamagitan ng kanyang pusod). Magkakapatid pa ring tunay ang lahat ng mga anak ng iisang ama.
.
. Nang sundan ko pa ng pagmumuni-muni ang bagay na ito, may iba pang nabuo sa aking isipan:
.
. Ang salitang “kabiyak” ay naipapakahulugang isa sa dalawang bahagi ng isang pares o kabuuan. Sa “pag-iisang-dibdib” o pag-aasawa ng dalawang tao ay nabubuo ang kanilang pag-iisang-buhay, pagsasanib-buhay, o pagtatambalan sa buhay. Kaya nga ipinasya ko noon na tawaging “kasambuhay” o kaisang-buhay ang aking asawa noong siya’y nabubuhay pa.
.
. Ito ay pagtatambalan at pagsasalimbayan o “intertwining” ng dalawang landas ng buhay, at ito rin ay angkop ng pagsasanib-katawan ng dalawang may-buhay upang sa ganitong pagsasanib ay makalikha ng iba pang may-buhay. At ang bawat isa sa mga malilikhang ito ay mga bungang pinitas sa iisang punongkahoy ng pagkakaisang-katawan at pagtatambalan sa buhay, pawang mga pinatid sa iisang sinapupunan, ay magkakapatid.
.
. Itinanong ko sa sarili: bakit kaya proseso ng pagkakapatid-patid na paghihiwa-hiwalay ang naididiin at hindi ang proseso ng pagsasama-sama o pagbubuklod? Dahil kaya sa ang hinahangad ng Lumikha na sa pag-uugnayan ng mga bahaging pisikal na pinaghiwa-hiwalay ay matutunan natin ang totoong pagkakaisa na lagpas sa pisikal, ang katotohanang sa kailaliman ng ating pagkatao tayong lahat ay iisa?
.
. Patuloy ko pang pag-iisipan ito. Pero ngayon pa lang ay masasabi ko na, nang pangkalahatang katiyakan, na mahalaga ang proseso ng pisikal na pagpapatid-patid mula sa iisang pagtatambalan ng buhay, ang bawat taong pinatid sa sinapupunan ng taambalang ito ng mga magulang, ay isang buong tao na may sariling buhay at kakanyahan na karapat-dapat na kilalanin at igalang ng iba pang tao.
.
. Mas mahalaga pa, ang sariling buhay at kakanyahan ng bawat tao ay karapat-dapat na kilalanin, igalang at kalugdan niya mismo.
.
. Ang pagdududugtungan ay nagaganap sa pagluluwal ng kasunod na salinlahi, kaya’t hindi natin ginagamit ang katagang “karugtong” bilang katumbas ng “kapatid.” Napakaganda ng katagang Cebuano bilang patungkol sa magulang. Ang Tagalog na katagang “magulang” ay nauugat sa “gulang” na natutuon sa edad o tanda. Ang tawag ng mga Cebuano sa magulang ay “ginikanan,” na ang kahulugan ay “pinag­mulan."
.
. Ang pagkakaisang mainam sanang makamit at mapanatili ng isang mag-anak, mula sa pagkakaisang-buhay ng mga magulang hanggang sa mahigpit na pagkakaisa ng magkakapatid, ay hindi awtomatiko o basta na lamang nagaganap. Kailangan itong mulat na pagsikapan at isagawa.
.
. Kailangan ang pagpapatingkad ng dalawang katotohanan sa kamalayan ng lahat tungkol sa bawat anak:.. Una, ang bawat isa sa kanila ay kumpleto at buo at may sriling panloob na batayan upang siya ay kilalanin, igalang at hangaan, at may panloob na batayan upang makahanap ng sapat na ligaya at tunay na kapayapaan sa kaibuturan ng sariling puso... Dahil dito, may karapatan siyang magtakda ng sarili niyang layunin sa buhay, isang karapatang kinilala mismo ng nagkaloob sa atin ng tinatawag na “free will.”
.
. Samakatwid, kahit na may napakalaking tulong na magagawa sa atin at napakalaking ligaya ang maibibigay sa atin ng pagkilala, paggalang at paghanga ng iba, kahit na o laluna ng ating mga magulang at kapatid, hindi ito ang pinakamahalaga. Ang pinakamahalaga ay ang panloob na katotohanang kailangan pa nating tuklasin at pasingkarin sa loob ng ating mga sari-sarili.
.
. Batay dito, bawat isa ay makapagmamahal sa iba nang walang inaasam na pagpapala, pagkilala o ganting-pagmamahal mula sa minamahal. Ito ang batayan ng kakayahan nating magmahal nang ganap, walang-pasubali (unconditionally), at taos-puso.
.
. Pangalawa, ang bawat isa sa magkakapatid, kahit na nagawa na nga ang pagpatid, ay bahagi pa rin ng kabuuan ng kinapapalooban niyang pamilya, isa siyang buong-buong tao na bahagi ng pamilya. Hindi lubusang napuputol ang pagdudugtngan ng mga pusod ng magkakapatid sa iisang sinapupunan ng pagkamagulang.
.
. Ang magkakapatid ay nagmumula sa iisang pagkakaisang-buhay, sa iisang pagtatambalan ng dugo at laman. At nararapat na patingkarin ang paggagalangan, pagbibigayan at pagmamahalan, kahit na malamang na mayroon silang maliliit o kaya’y malalaki pa ngang pagkakaiba ng kani-kanilang personalidad.
.
. Ang kakayahan ng isang tao na magmahal nang matindi at malaliman sa isa o iba pang tao na may personalidad na malayo sa sarili niyang mga katangian ay mainam sanang mapaunlad agad habang siya ay bata pa. At ang ganito ay maisasagawa nang mas matagumpay sa isang malusog na tahanan ng isang pamilyang may kultura ng pagmamahalan.
.
. At magiging ganap lamang na malusog ang isang tahanan kapag ang mag-asawang magulang ay matapat na kumakatawan at nagpapamalas ng malalimang kahulugan ng kanilang pagkakaisang-buhay, at ang lahat ay naggagalangan, nagbibigayan at tunay na nagmamahalan, sa kabila ng pagkakaiba-iba nila sa isa’t isa bunga ng kani-kanilang kasaysayan at mga katangian.
.
. Hindi ko na alam kung paano ko mahahanap ngayon ang dati kong kabarkada at lalo na ang kanyang lolo. Gusto ko pa naman sanang magpasalamat sa kanya para sa kanyang di-sinasadyang panggugulat sa akin maraming taon na rin ngayon ang nakalilipas.Gusto kong sabihin sa kanya, “Okey ka, ‘Tol!” o ang bating mas nababagay siguro sa kanya: “Mabuhay ka, ‘Tol!”
.
.
Pero hindi na rin siguro importenteng mapasalamatan ko pa siya ngayon nang harapan. Pagsisikapan ko na lang, katulad ng ginagawa kong pagsusulat ngayon, na maipalaganap ang tunay na mapagkaisang kaisipan ukol sa katagang “kapatid,” kalakip ang naging papel niya sa pagmumuni sa isip ko ng mga kaisipang ito. Sa ganitong paraan ko na lang siya pasasalamatan.Ayos ba, mga ‘Tol?

-o0o-

[Tingnan din ang kaugnay na artikulo sa:
http://lambat-liwanag.8m.net/13-mutual-enrichment.htm.]
(Susunod sa ating serye: "Hating-Kapatid")
.
-- balani bagumbayan
. sa bayan ng Malayang Taga-ilog
. abril 1, 2010

Balani-Bagumbayan at Balik-Bayanihan







Maligaya at Makabuluhang Araw sa Ating Lahat, Mga Kapatid!

. Ito po si Balani-Bagumbayan, pangalang pinili ng isang guro at manunulat (na naging broadcaster din nang ilang taon), at ngayo'y nagsisimula nang maging pangunahing tagapagsalita ng kampanyang Balik-Bayanihan ng Buklurang DakiLahi sa loob ng Pamayanang SanibLakas ng Pilipinas.
.
. . Balani o magnet po ang magiging pangunahing simbolo ng tinatanaw kong magiging papel ko sa paghatak ng ating mga kababayan tungo sa isang pagkakaisang lalahok tayo sa talastasan at talakayan para mailinaw at mapatalas pa ang maliliit na aral at layuning matitipon at maipapalaganap natin upang isulong ang muling pagbuhay ng ugali at simulaing bayanihan na libong taong kinasangkapan ng ating mga ninuno sa pananatiling buo ng bukluran ng mga pamayanan sa ating kapuluan.
.
. .
Aaralin natin bilang isa ring siyensya ang bayanihan upang mabisang magamit ito ng ating sambayanan sa kasalukuyan.
.
. .
Kaya't ililipat na sa blogsite na ito sa lalong madaling panahon ang dati'y naipaloob sa naunang mga blogsites ng balani bagumbayan, kabilang na ang "Mabuhay Ka, 'Tol!" na unang artikulo ng seryeng Kapatid... KAPATID!!! Dito na ninyo mababasa ang ikalawang artikulo, na pinamagatang "Hating-Kapatid"

Balani Bagumbayan
Abril 9, 2010