Friday, April 9, 2010

"Mabuhay Ka, 'Tol!"

.
(Ito ay mula sa koleksiyong Kapatid... KAPATID!!! ni Ed Aurelio C. Reyes na inilathala noong 1999. Sinisimulan ngayon ang lingguhang pagseserye nito dito sa balik-bayanihan blogsite para sa inyong lahat. Pag-isipan at pag-usapan sana ninyo, kasama ng iba pang mapagpapasahan ninyo nito. Mag-ugnayan tayo sa lahat ng paraan upang ipalaganap, palakasin pa at gamitin nang ganap ang liwanag ng katotohanan at kaisahan.)
.
MATAGAL KO NANG NARIRINIG ang salitang “kapatid.” Kaya’t nakasanayan ko na rin pati ang paggamit sa salitang ito kapag pinatutungkulan ang alinman sa aking siyam na kapatid. O kahit sa napakalapit na mga kaibigan... Ngunit nakilala ko naman ang “utol” bilang katagang ginagamit ng kabataan ayon sa kategorya din ng paggamit sa katagang “ermats” at “erpats” bilang pagtukoy sa magulang at “haybols” naman para sa bahay
.
. Kaya’t anong gulat ko nang ang matanda nang lolo (“erpats” ng “erpats”) ng isa kong kabarkada ay marinig kong gumamit ng salitang iyon mismo bilang pagtukoy sa kanya namang kuya. “Utol ko ‘yon, banggit niya sa isang kausap... Matindi ang epekto n’yon dahil hindi ko naman siya nariringgan ng anumang salitang “bagéts” at may pagkaluma pa nga para sa akin ang kanyang bokabularyo. Nang mabanggit ko ito sa kanyang matapos ang pagbisita kong iyon sa kanila, nagtaka naman sa akin ang kaibigan ko. “Bakit, di mo ba alam kung s’an nanggaling ang (salitang) “utol”?
.
. Bunga ng sumunod na pag-uusap, naintindihan kong hindi nga ako dapat nagulat at nagtaka sa narinig kong binigkas ng lolo niya. Hindi ko naman pinagtakhan ang “atíd” na ginagamit imbes na “kapatid” o “kinakapatid” (ang huli’y tumutukoy sa anak ng ninong o ninang mo o sa inaanak ng magulang mo). Ang “utol” ay tulad din ng “atíd” at ang “kaputol” ay tulad din ng “kapatid,” sapagkat ang magkasingkahulugan ang mga katagang “putol” at “patíd” (para sa pisi, lubid, at mga kahawig).
.
. Sa tagal na nga ng pagkakaalam ko sa katagang “kapatid,” dahil nang magkamalay ako’y mayroon na agad akong tatlong kuya at dalawang ate, hindi ko naiugnay ang salitang ito sa kataga namang “patíd” na ginagamit natin kapag tinutukoy ang pagkakaputol o pagkakapigtas ng isang sinulid, pisi o lubid.
.
. Sa paliwanag ng kabarkada ko sa paggamit ng lolo niya sa salitang “utol,” noon ko na lamang napag-isipan na ang katagang “kapatid” pala ay may taglay na metapora o talinghaga: ang isang ka-patid ay kapwa-pinatid sa iisang dugtungan, dugtungan ng ina at lahat ng nabuo at dumugtong sa kanyang sinapupunan sa pamamagitan ng mga pusod na siyang naging dugtungan ng buhay.
.
. Ang bawat isa sa magkakapatid, samakatuwid, ay isang bahaging pinatíd at ihiniwalay sa kabuuang iyon (hindi nanatiling nakadugtong sa ina sa pamamagitan ng kanyang pusod). Magkakapatid pa ring tunay ang lahat ng mga anak ng iisang ama.
.
. Nang sundan ko pa ng pagmumuni-muni ang bagay na ito, may iba pang nabuo sa aking isipan:
.
. Ang salitang “kabiyak” ay naipapakahulugang isa sa dalawang bahagi ng isang pares o kabuuan. Sa “pag-iisang-dibdib” o pag-aasawa ng dalawang tao ay nabubuo ang kanilang pag-iisang-buhay, pagsasanib-buhay, o pagtatambalan sa buhay. Kaya nga ipinasya ko noon na tawaging “kasambuhay” o kaisang-buhay ang aking asawa noong siya’y nabubuhay pa.
.
. Ito ay pagtatambalan at pagsasalimbayan o “intertwining” ng dalawang landas ng buhay, at ito rin ay angkop ng pagsasanib-katawan ng dalawang may-buhay upang sa ganitong pagsasanib ay makalikha ng iba pang may-buhay. At ang bawat isa sa mga malilikhang ito ay mga bungang pinitas sa iisang punongkahoy ng pagkakaisang-katawan at pagtatambalan sa buhay, pawang mga pinatid sa iisang sinapupunan, ay magkakapatid.
.
. Itinanong ko sa sarili: bakit kaya proseso ng pagkakapatid-patid na paghihiwa-hiwalay ang naididiin at hindi ang proseso ng pagsasama-sama o pagbubuklod? Dahil kaya sa ang hinahangad ng Lumikha na sa pag-uugnayan ng mga bahaging pisikal na pinaghiwa-hiwalay ay matutunan natin ang totoong pagkakaisa na lagpas sa pisikal, ang katotohanang sa kailaliman ng ating pagkatao tayong lahat ay iisa?
.
. Patuloy ko pang pag-iisipan ito. Pero ngayon pa lang ay masasabi ko na, nang pangkalahatang katiyakan, na mahalaga ang proseso ng pisikal na pagpapatid-patid mula sa iisang pagtatambalan ng buhay, ang bawat taong pinatid sa sinapupunan ng taambalang ito ng mga magulang, ay isang buong tao na may sariling buhay at kakanyahan na karapat-dapat na kilalanin at igalang ng iba pang tao.
.
. Mas mahalaga pa, ang sariling buhay at kakanyahan ng bawat tao ay karapat-dapat na kilalanin, igalang at kalugdan niya mismo.
.
. Ang pagdududugtungan ay nagaganap sa pagluluwal ng kasunod na salinlahi, kaya’t hindi natin ginagamit ang katagang “karugtong” bilang katumbas ng “kapatid.” Napakaganda ng katagang Cebuano bilang patungkol sa magulang. Ang Tagalog na katagang “magulang” ay nauugat sa “gulang” na natutuon sa edad o tanda. Ang tawag ng mga Cebuano sa magulang ay “ginikanan,” na ang kahulugan ay “pinag­mulan."
.
. Ang pagkakaisang mainam sanang makamit at mapanatili ng isang mag-anak, mula sa pagkakaisang-buhay ng mga magulang hanggang sa mahigpit na pagkakaisa ng magkakapatid, ay hindi awtomatiko o basta na lamang nagaganap. Kailangan itong mulat na pagsikapan at isagawa.
.
. Kailangan ang pagpapatingkad ng dalawang katotohanan sa kamalayan ng lahat tungkol sa bawat anak:.. Una, ang bawat isa sa kanila ay kumpleto at buo at may sriling panloob na batayan upang siya ay kilalanin, igalang at hangaan, at may panloob na batayan upang makahanap ng sapat na ligaya at tunay na kapayapaan sa kaibuturan ng sariling puso... Dahil dito, may karapatan siyang magtakda ng sarili niyang layunin sa buhay, isang karapatang kinilala mismo ng nagkaloob sa atin ng tinatawag na “free will.”
.
. Samakatwid, kahit na may napakalaking tulong na magagawa sa atin at napakalaking ligaya ang maibibigay sa atin ng pagkilala, paggalang at paghanga ng iba, kahit na o laluna ng ating mga magulang at kapatid, hindi ito ang pinakamahalaga. Ang pinakamahalaga ay ang panloob na katotohanang kailangan pa nating tuklasin at pasingkarin sa loob ng ating mga sari-sarili.
.
. Batay dito, bawat isa ay makapagmamahal sa iba nang walang inaasam na pagpapala, pagkilala o ganting-pagmamahal mula sa minamahal. Ito ang batayan ng kakayahan nating magmahal nang ganap, walang-pasubali (unconditionally), at taos-puso.
.
. Pangalawa, ang bawat isa sa magkakapatid, kahit na nagawa na nga ang pagpatid, ay bahagi pa rin ng kabuuan ng kinapapalooban niyang pamilya, isa siyang buong-buong tao na bahagi ng pamilya. Hindi lubusang napuputol ang pagdudugtngan ng mga pusod ng magkakapatid sa iisang sinapupunan ng pagkamagulang.
.
. Ang magkakapatid ay nagmumula sa iisang pagkakaisang-buhay, sa iisang pagtatambalan ng dugo at laman. At nararapat na patingkarin ang paggagalangan, pagbibigayan at pagmamahalan, kahit na malamang na mayroon silang maliliit o kaya’y malalaki pa ngang pagkakaiba ng kani-kanilang personalidad.
.
. Ang kakayahan ng isang tao na magmahal nang matindi at malaliman sa isa o iba pang tao na may personalidad na malayo sa sarili niyang mga katangian ay mainam sanang mapaunlad agad habang siya ay bata pa. At ang ganito ay maisasagawa nang mas matagumpay sa isang malusog na tahanan ng isang pamilyang may kultura ng pagmamahalan.
.
. At magiging ganap lamang na malusog ang isang tahanan kapag ang mag-asawang magulang ay matapat na kumakatawan at nagpapamalas ng malalimang kahulugan ng kanilang pagkakaisang-buhay, at ang lahat ay naggagalangan, nagbibigayan at tunay na nagmamahalan, sa kabila ng pagkakaiba-iba nila sa isa’t isa bunga ng kani-kanilang kasaysayan at mga katangian.
.
. Hindi ko na alam kung paano ko mahahanap ngayon ang dati kong kabarkada at lalo na ang kanyang lolo. Gusto ko pa naman sanang magpasalamat sa kanya para sa kanyang di-sinasadyang panggugulat sa akin maraming taon na rin ngayon ang nakalilipas.Gusto kong sabihin sa kanya, “Okey ka, ‘Tol!” o ang bating mas nababagay siguro sa kanya: “Mabuhay ka, ‘Tol!”
.
.
Pero hindi na rin siguro importenteng mapasalamatan ko pa siya ngayon nang harapan. Pagsisikapan ko na lang, katulad ng ginagawa kong pagsusulat ngayon, na maipalaganap ang tunay na mapagkaisang kaisipan ukol sa katagang “kapatid,” kalakip ang naging papel niya sa pagmumuni sa isip ko ng mga kaisipang ito. Sa ganitong paraan ko na lang siya pasasalamatan.Ayos ba, mga ‘Tol?

-o0o-

[Tingnan din ang kaugnay na artikulo sa:
http://lambat-liwanag.8m.net/13-mutual-enrichment.htm.]
(Susunod sa ating serye: "Hating-Kapatid")
.
-- balani bagumbayan
. sa bayan ng Malayang Taga-ilog
. abril 1, 2010

1 comment: