Sunday, April 11, 2010

Nailipat na rito ang blog postings noong Disyembre

Orihinal na posting: Enero 23, 2010
Kalaban nating mga ugali: pagkikimi; pagniningas-kugon
.
May "tula" akong nabuo para sa ating mga kaanib na ng Cause group na "Rep.Risa Hontiveros, ang type kong pulitiko"at sa mga di pa sumasali: pag-isipan po sana natin at kagyat na aksyunan ito:
"Wag tayong maging kimi! /
Tahasang ikarangal ang kandidatang bayani! /
Huwag magpakakimi /
Huwag magningas-kugon /
Upang adhikain nati’y /
Ganap ngang maisulong! /
Ipakilala sa malakas na tinig /
Nang may buong pagmamalaki— /
Karapat-dapat nga sa Senadong /
Pusisyon itong babaing kampeon! /
Bawa’t araw at linggo ay magparami tayo /
Ng Mangangampanya, di lang ng boboto! /
Wag na wag tayong titigil /
Papainit pa lang ng laban /
Si Risa mismo ang ating tularan, /
Tagumpay niya kung tayo ri’y mga bayani! /
Hindi magniningas-kogon, at hindi mga kimi! /
Kapag si Risa at Akbayan ang lumaban, /
Ang magwawagi ay ang Sambayanan!" //
.
(Sana ay kayanin ng karamihan sa ating mga nasa facebook Cause group na ito na sa bawat linggo ay makapag-recruit ng kahit tigatlo man lamang na bagong mga mangangampanya para sa kanya, at ang bawat isa ay makapagsimula agad na mag-recruit ng tigatlo ring mga bagong risa hontiveros for senator campaigners kada linggo, na ang bawat isa ay makapagsimula agad na mag-recruit ng tigatlo ring mga bagong risa hontiveros for senator campaigners kada linggo.
.
(Ilang linggo pa ba ang natitira bago mag Mayo-Diyes? Halos dalawang libo na tayo ngayon sa Cause group na ito. Kahit kalahati man lamang ang mag-aaktibo sa iminumungkahi ko, makalipas ang isang linggo ay apat na libo na, makalipas ng isa pang linggo ay 16 na libo, at paglipas ng isa pang linggo ay 64 na libo na. Kung ang bawat marerecruit na bagong campaigner ay sasali rin sa Cause group natin, mabibigyan natin sila ng mga magagamit na info at materyales na magagamit para sa aktibo at mabisang pangangampanya. Sikapin nating makayanan ito. Para dayain man ay tiyak na mananalo pa rin ang ating ikinakandidatong bayani para sa Senado. Di tayo mag-aala-tsamba sa pagsisikap na ito. Sambayanang Pilipino mismo ang pinag-aalayan natin ng makasaysayang pagsisikap na ito.)
.
=====

Orihinal na Posting: Tuesday, January 5, 2010
Pangungusap ng Aking Buhay

. "Ganap kong kakatawanin, sa buhay kong ito, ang panawagang 'MagpakaTAO at Makipagkapwa-TAO TAYO '." -- Ito ang kabubuo ko pa lamang (ngayong araw na ito, Disyembre 30, 2009) na pangungusap ng aking buhay.
.
. Kaya...
.
. "Magawa ko sanang ngumiti /Sa aking paghimlay, /Tuldok sa pangungusap /Ng aking buhay." // (ito'y tulang isinulat ko mahigit 15 taon na ngayon ang nakararan.)

. (Ang konsepto ng "Pangungusap ng Buhay"ay maihahalintulad sa isang may-kahabaang pamagat ng sisikapin mong maging saysay ng buong idadaloy ng iyong salaysay bilang dahilan at layunin kaya ka isinilang at kaya mo pinatatagal ang iyong paghinga.
.
. Maaaring marami ang maibunga, gaya ng nakamit mo ang yaman at bantog na pangalan. Ngunit ang pangungusap ng iyong buhay ay pinili mong pagtuunan ng sa iyo'y pinakamahalaga mong mga pagsisikap, at pag-aanihan ng pinakamalaki mong tagumpay. Saysay ito na ikaw mismo ang pumili para isabuhay. Hindi tayo nabubuhay para lamang mabuhay. Nasa konsepto ring ito ang una sa 14 na mga aral ng Kartilya ng Katipunan ni Emilio Jacinto, na nagsasabing: "Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilaman ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag.")
.
. Pag-isipan po natin ang bagay na ito.
.
-- Ed Aurelio (Ding) Reyes,"
Balani Bagumbayan"
Disyembre 30, 2009
.
=====

Orihinal na posting: Disyembre 28, 2009

TASYO: Kaya Ba Nating Harapin Ang Hamon?
.
. May magandang balita po tayo sa mga kasapi ng Kamalaysayan Solidarity on Sense of History at ng Balik-Bayanihan Campaign Network at ng mga Cause group sa Facebook ng dalawang samahang ito. Ang ikalawang novelette ni Ed Aurelio C. Reyes, na pinamagatang TASYO: Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas? Ay halos tapos nang maimprenta at handa nang maipamahagi sa ilang book outlets sa loob ng ilang araw mula ngayon. Nasimulan na ang pag-iimprenta ay pinilit pa rin ng sumulat nito na maghabol sa likurang pabalat ng isang mabigat na hamon sa lahat ng mga babasa:
.
. “Mulat sa katotohanan at kahalagahan ng kaisahan ng lahat, sa isip at diwa, sa salita at gawa, magpakatao at makipagkapwa-tao Tayo.. “Sa dinami-dami ng aking mga nabasa, isang katotohanan ang halos mawaglit na sa aking kama­layan. Ito pala ang pinaka­mahalaga. Na tayo ay nilikha na kawangis ng Lu­mik­­ha. Na ang gayon ay kaloob sa atin ng Lumik­ha, at ang ganap na pagka­kamit ng katangiang ito ay dapat namang ikaloob natin sa Kaniya. Ang gantim­pala ay kaligayahan at kapanatagan sa sari-sarili at sama-sama nating buhay. Madalas nga la­mang mangyari na sa sa­limuot ng araw-araw na mga gawain upang lu­mawig at gumaan ang buhay ay na­wa­waglit sa ating muni ang pinakamaha­lagang ka­totohanan kung bakit nga tayo isinilang at nabu­buhay.”
..
. NAPAKASIMPLE nga raw ng habilin ng napakatagal nang sumulat nito, na tila raw si “Tasyong Pantas.” Kung gayon, bakit naman ipinagpalagay na di ito mauunawaan ng kanyang mga kapanahon? At bakit kaya pinagdududahan pa ng pamagat nitong aklat na tayo na ngayon ang makakaunawa? Ang tanging sukatan ng sapat na pagkakaunawa ay angkop na pagsasabuhay, di lang sa isip o sa salita kundi sa gawa. Sa mga ugali’t asal ng mga tao ngayon, napakadaling patunayan na hindi pa talaga natin nauunawaan ang “Habilin ng Pantas.” Mayroon kayang sapat na makakikilala sa halaga nito sa kamalayan ng Sangkatauhan sa buong daigdig, at gugugugol tuloy ng tiyaga upang ito’s pag-aralan, isabuhay at ipalaganap?
.
--Ed Aurelio (Ding) Corpus Reyes,
may-akda,
TASYO: Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas?
MANILA: SanibLakas, 2010
.
=====

Orihinal na posting: Disyembre 23, 2009
.
Lalabas nang Libro: TASYO: Ngayon na ba... ?
.
Mga kapatid,
. Masaya akong ibalita sa inyo na sa maagang bahagi ng Enero 2010 ay lalabas na ang pinakabagong libro ni Ed Aurelio C. Reyes, na pinamagatang 'TASYO: Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas?' isang maikling nobela ('novelette, ' tulad ng 'Ka Andres! Ang Tindi N'yo! ng iyon ding may-akda noong 1994. Maliban sa pagiging interesante gaya ng iba pang salaysay na pampanitikan, dito sa TASYO ay may maraming matututunan ang mga makakabasa. Ngunit mas marami pa kaysa sa impormasyon, santambak na tanong ang iiwan nito sa utak.
.
. At hahamunin nito ang lalim sa pag-iisip ng mga babasa na sana'y makakaunawa sa isinusulat ni Tasyo na di raw para sa kanyang mga kapanahon. Tayo na nga kaya ang makakaunawa? O iyon pang mga sanggol pa lamang sa ngayon... paglaki pa nila? Abangan! Nasa imprenta na po ito. Natapos na ngang maimprenta ang maraming pahina. Tinatapos ko pa ang cover. Iseserye rin ito sa "discussion board" ng Cause group na "Balik-Bayanihan"
(http://apps.facebook.com/causes/345195?m=1a70f60b).
.
. Malalimang kaligayahan ang sumaating lahat ngayong Kapaskuhan!
--"balani-bagumbayan"
.
=====
.
Sama-samang Kalooban, Sanib-sanib na kilos!
.
.Sama-samang kalooban, Sanib-sanib na Kilos!” Sa patnubay nitong liwanag ng nakamit nang katotohanan, ako, ngayon, ay buong-laya at paulit-ulit pang magpapasya na magpunyaging mag-ambag sa nabubuong loob ng lahat. Sama-samang kalooban – ito’y bukluran ng kapakanan, pagsasanib ng malasakit, pagmamahalang tunay, pagkakaisang-buhay, sanib-lakas sa sanggunian, pasya at pagpapatupad na mabisa at ganap, pasasalamat at pag-unlad sa kaisahan ng lahat.'
.
. Tatag ng aking katauhan, at tindi at bigat nitong pasya, ay makikita nang palagian sa kaisahan ng aking isip, salita at gawa bilang Pilipino at bilang taong buo, banal at marangal! Sisikapin ko pang maparami, mapagbuklod nang mahigpit, ang mga kapwa kong ganito sa hanay nating magkakapatid!
.
. --balani bagumbayan, isinulat noong Hunyo 25, 2008 sa kaparaanang "Pantigan" ng sinaunang panulat natin ("Panulatin," na tinatawag ring "alibata.")
.
orihinal na posting sa Balani Bagumbayan blogsite: Disyembre 9, 2009
..
=====
Orihinal na Posting: Disyembre 6, 2009

Bandilang Panawagan
.
Narito ang isang panawagang nauukol sa lahat ng mamamayan ng Pilipinas, saanman ang kanilang kinaroroonan, sa loob o sa labas ng Pilipinas:
.
"MAGSANIB-LAKAS, PILIPINAS!
IHANDOG SA MUNDO ANG KAISAHANG TOTOO!"
.
--pahayag ng Ikalawang Pangkalahatang Kapulungan ng Pamayanang SanibLakas ng Pilipinas, na ginanap sa Quezon City, noong Nobyembre 21, 2009)
=====
.
(Susunod na, samakalawa, ang artikulong "Hating-Kapatid," ikalawa sa serye nating "Kapatid, KAPATID!!! )

No comments:

Post a Comment